Ang mga Banal na Kasulatan      Mga Tulong sa Pag-aaral  | Hanapin  | Mga Opsyon  | Minarkahan  | Tulong  | Tagalog 
I-print   < Sinundan  Susunod >
ALPABETIKONG TALAAN NG MGA PAKSA
Israel
Ibinigay ng Panginoon ang pangalang Israel kay Jacob, ang anak ni Isaac at apo ni Abraham sa Lumang Tipan (Gen. 32:28; 35:10). Ang pangalang Israel ay maaaring tumukoy kay Jacob, sa kanyang mga inapo, o sa kaharian na minsan ay inari ng mga yaong inapo sa panahon ng Lumang Tipan (2 Sam. 1:24; 23:3). Pagkatapos akayin ni Moises ang mga anak ni Israel palabas sa pagkaalipin ng Egipto (Ex. 3–14), pinamahalaan sila ng mga hukom ng mahigit tatlong daang taon. Simula kay Haring Saul, pinamahalaan ng mga hari ang pinag-isang Israel hanggang sa kamatayan ni Solomon, nang maghimagsik ang sampung lipi mula kay Rehoboam upang bumuo ng isang hiwalay na bansa. Pagkatapos na mahati ang kaharian ng Israel, ang kahilagaang mga lipi, bilang may malaking bahagi, ay pinanatili ang pangalang Israel, samantalang ang katimugang kaharian ay tinawag na Juda. Tinatawag ding Israel ngayon ang lupain ng Canaan. Sa ibang pakahulugan, ang ibig sabihin ng Israel ay isang tunay na sumasampalataya kay Cristo (Rom. 10:1; 11:7; Gal. 6:16; Ef. 2:12).
Ang labindalawang lipi ni Israel: Ang apo ni Abraham na si Jacob, na ang pangalan ay pinalitang Israel, ay may labindalawang anak. Nakilala ang kanilang mga inapo bilang labindalawang lipi ni Israel o ang mga anak ni Israel. Ito ang labindalawang lipi: Ruben, Simeon, Levi, Juda, Issachar, at Zebulun (ang mga anak nina Jacob at Lea); Dan at Nephtali (ang mga anak nina Jacob at Bilha); Gad at Aser (mga anak nina Jacob at Zilpa); Jose at Benjamin (mga anak nina Jacob at Raquel) (Gen. 29:32–30:24; 35:16–18).
Binigyan ni Jacob ang bawat pinuno ng lipi ng isang pagbabasbas bago siya namatay (Gen. 49:1–28). Para sa iba pang kaalaman, tingnan ang pangalan ng bawat anak ni Jacob.
Si Ruben, ang panganay na anak ni Jacob sa kanyang unang asawang si Lea, nawala sa kanya ang basbas ng pagkapanganay at dalawang bahagi ng mamanahin dahil sa kanyang imoralidad (Gen. 49:3–4). Ang pagkapanganay ngayon ay napasa kay Jose, na anak na panganay ni Jacob sa kanyang pangalawang asawang si Raquel (1 Cron. 5:1–2). Si Levi, ang lipi na pinili ng Panginoon upang maglingkod bilang kanyang mga sugo ng pagkasaserdote, ay hindi nakatanggap ng pamana dahil sa kanilang natatanging tungkulin na maglingkod sa lahat ng lipi. Ito ang nagpahintulot upang ang dobleng bahagi ay mapaghatian ng dalawang anak ni Jose, na sina Ephraim at Manases (1 Cron. 5:1; Jer. 31:9), na ibinilang na magkahiwalay na lipi ni Israel (PJS, Gen. 48:5–6).
Mamumuno ang mga kasapi ng lipi ni Juda hanggang sa pagparito ng Mesiyas (Gen. 49:10; PJS, Gen. 50:24). May pribilehiyo sa mga huling araw ang lipi ni Ephraim na dalhin ang pahatid ng pinanumbalik na ebanghelyo sa daigdig at ang pagtitipon ng nakalat na Israel (Deut. 33:13–17). Darating ang panahon na sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, magkakaroon ng tungkulin sa pamumuno ang Ephraim sa pagsasama-sama ng lahat ng lipi ni Israel (Is. 11:12–13; D at T 133:26–34).
Ang pagkalat ng Israel: Ikinalat ng Panginoon at pinahirapan ang labindalawang lipi ni Israel dahil sa kanilang kasamaan at paghihimagsik. Gayunpaman, ginamit din ng Panginoon itong pagkalat ng kanyang mga piniling tao sa mga bansa ng daigdig upang pagpalain ang mga yaong bansa.
Ikakalat ko kayo sa mga di binyagan, Lev. 26:33. Ikakalat kayo ng Panginoon sa lahat ng tao, Deut. 28:25, 37, 64. Ililigtas ko sila upang maialis sa lahat ng kaharian ng mundo, Jer. 29:18–19. Sasalain ko ang sambahayan ni Israel sa gitna ng buong bansa, Amos 9:9 (Zac. 10:9). Isinugo si Jesus sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel, Mat. 15:24. Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kawang ito, Juan 10:16. Ikakalat ang Israel sa ibabaw ng buong mundo, 1 Ne. 22:3–8. Ipinahayag ni Jacob ang talinghaga ni Zenos ng mga likas at ligaw na punong olibo, Jac. 5–6. Magsisimula ang gawain ng ama sa mga liping nawala, 3 Ne. 21:26.
Ang pagtitipon ng Israel: Sama-samang titipunin ang sambahayan ni Israel sa mga huling araw bago pumarito si Cristo (S ng P 1:10). Tinitipon ng Panginoon ang mga taong Israel kapag siya ay tinatanggap nila at sinusunod ang kanyang mga kautusan.
Magtataas siya ng isang sagisag at sila ay paroroon, Is. 5:26. Titipunin ko kayo nang may malaking awa, Is. 54:7. Titipunin ang Israel at Juda sa kanilang sariling lupain, Jer. 30:3. Titipunin ng Panginoon ang sambahayan ni Israel mula sa mga tao kung kanino sila ay nakalat, Ez. 28:25. Sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon titipunin niya sa isa ang lahat ng bagay kay Cristo, Ef. 1:10. Matapos maikalat ang Israel, titipunin sila, 1 Ne. 15:12–17. Titipunin ng Panginoon ang lahat ng tao ng sambahayan ni Israel, 1 Ne. 19:16 (3 Ne. 16:5). Ilalabas sila mula sa kadiliman at makikilala na ang Panginoon ang kanilang Tagapagligtas, 1 Ne. 22:12. Tinitipon at binibilang ng Diyos ang kanyang mga anak, 1 Ne. 22:25. Dadalhin ng mga bansa ng mga Gentil ang Israel patungo sa lupaing kanilang pamana, 2 Ne. 10:8 (3 Ne. 16:4). Magtitipon ang aking mga tao at ang aking salita sa isa, 2 Ne. 29:13–14. Tinawag ang mga elder upang tipunin ang mga hinirang, D at T 29:7 (D at T 39:11). Titipunin ko ang aking mga hinirang, D at T 33:6. Magtipon nang sa gayon ay maibigay ko ang aking batas at upang mabigyan ka ng kapangyarihan, D at T 38:31–33. Panunumbalikin ko ang aking mga tao, na mula sa sambahayan ni Israel, D at T 39:11. Paroroon ang mga banal, D at T 45:46. Ipinagkaloob ni Moises ang mga susi ng pagtitipon, D at T 110:11. Inabot ng kabutihan at katotohanan ang mundo at titipunin ang mga hinirang ng Panginoon, Moi. 7:62. Ang pagtitipon ay inihambing sa pagtitipon ng mga buwitre sa isang bangkay, JS—M 1:27.
Ang sampung nawawalang lipi ni Israel: Binubuo ng sampung lipi ni Israel ang hilagang kaharian ng Israel at dinalang bihag patungo sa Asiria noong 721 B.C. Sa panahong yaon nagtungo sila sa “mga bansa sa kahilagaan” at nawala sa kaalaman ng iba. Babalik sila sa mga huling araw.
Sasabihin ko sa kahilagaan, Hayaan mo, Is. 43:6. Manggagaling ang mga ito sa kahilagaan, Is. 49:12 (1 Ne. 21:12). Magkasamang lalabas ang Juda at Israel sa lupaing kahilagaan, Jer. 3:18. Buhay ang Panginoon na nagdala sa mga anak ni Israel mula sa lupain ng kahilagaan, Jer. 16:14–16. Dadalhin ko sila mula sa bansang pahilaga, Jer. 31:8. Makakamtan ng mga Nephita at ng mga Judio ang mga salita ng mga nawawalang lipi ni Israel, 2 Ne. 29:12–13. Ako ay paroroon upang ipakita ang aking sarili sa mga nawawalang lipi ni Israel, 3 Ne. 17:4. Kapag ang ebanghelyo ay naipangaral sa mga labi ng sambahayan ni Israel, ang mga nawawalang lipi ay titipuning pauwi sa lupaing kanilang pamana, 3 Ne. 21:26–29. Ipinagkaloob ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, D at T 110:11. Makaaalaala ang mga yaong nasa mga hilagang bansa sa harapan ng Panginoon, D at T 133:26–32. Naniniwala kami sa literal na pagtitipon ng Israel, S ng P 1:10.