|
PAMBUNGAD
Ang Aklat ni Mormon ay isang pinagsama-samang banal na kasulatan na kahalintulad ng Biblia. Ito ay isang talaan ng mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga unang nanirahan sa Amerika at naglalaman ng kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo.
Ang aklat ay isinulat ng maraming sinaunang propeta sa pamamagitan ng diwa ng propesiya at paghahayag. Ang kanilang mga salita na naisulat sa mga laminang ginto ay binanggit at pinaikli ng isang mananalaysay na propeta na nagngangalang Mormon. Ang talaan ay nagbibigay-ulat tungkol sa dalawang dakilang kabihasnan. Ang isa ay nagmula sa Jerusalem noong 600 B.C., na pagkatapos ay nahati sa dalawang bansa, na nakilala bilang mga Nephita at ang mga Lamanita. Ang isa pa ay dumating nang higit na maaga nang lituhin ng Panginoon ang mga wika sa Tore ni Babel. Ang pangkat na ito ay nakilala bilang mga Jaredita. Pagkalipas ng libu-libong taon, ang lahat ay nalipol maliban sa mga Lamanita, at kabilang sila sa mga pangunahing ninuno ng mga Amerikanong Indiyan.
Ang ministeryo ng Panginoong Jesucristo sa mga Nephita pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli ang pinakatampok na pangyayaring natala sa Aklat ni Mormon. Ito ay naghahayag ng mga doktrina ng ebanghelyo, nagbabanghay ng plano ng kaligtasan, at nagsasabi sa mga tao kung ano ang dapat nilang gawin upang matamo ang kapayapaan sa buhay na ito at ang walang hanggang kaligtasan sa buhay na darating.
Nang matapos ni Mormon ang kanyang mga isinulat ay ibinigay niya ang mga ulat sa kanyang anak na si Moroni, na nagdagdag ng kanyang sariling salita at itinago ang mga lamina sa burol ng Cumorah. Noong ika-21 ng Setyembre 1823, ang Moroni ring ito, na isa nang niluwalhati, at isa nang taong nabuhay na mag-uli, ay nagpakita sa Propetang si Joseph Smith at nagtagubilin sa kanya ng tungkol sa sinaunang talaan at ang nakatakdang pagsasalin nito sa wikang Ingles.
Sa takdang panahon, ang mga lamina ay ipinagkaloob kay Joseph Smith, na siyang nagsalin sa mga ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ang talaan ngayon ay nalalathala sa maraming wika bilang isang bago at karagdagang saksi na si Jesucristo ang Anak ng Diyos na buhay, na ang lahat ng lalapit sa kanya at susunod sa mga batas at ordenansa ng kanyang ebanghelyo ay maaaring maligtas.
Hinggil sa talaang ito, ang Propetang si Joseph Smith ay nagsabi: “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”
Bukod kay Joseph Smith, ang Panginoon ay nagtalaga pa ng labing-isa upang sila na rin sa kanilang sarili ay makita ang mga laminang ginto at maging mga natatanging saksi sa katotohanan at kabanalan ng Aklat ni Mormon. Ang kanilang isinulat na mga patotoo ay isinama rito bilang “ Patotoo ng Tatlong Saksi” at “ Ang Patotoo ng Walong Saksi.”
Inaanyayahan namin ang lahat ng tao sa lahat ng dako na basahin ang Aklat ni Mormon, pagbulay-bulayin sa kanilang mga puso ang mensaheng nilalaman nito, at itanong sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo kung ang aklat ay totoo. Yaong mga magpapatuloy sa paraang ito at magtatanong nang may pananampalataya ay magtatamo ng patotoo ng katotohanan at kabanalan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. (Tingnan sa Moroni 10:3–5.)
Yaong mga magtatamo ng banal na patotoong ito mula sa Banal na Espiritu ay malalaman din sa pamamagitan ng yaon ding kapangyarihan na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Joseph Smith ang kanyang tagapaghayag at propeta nitong mga huling araw, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon na muling itinatag sa mundo bilang paghahanda sa ikalawang pagparito ng Mesiyas.
|